Sunday, May 29, 2011

Ang Mag-anak na Langgam

Malapit-lapit na naman ang tag-ulan kung kaya’t ang isang mag-anak na langgam ay abalang-abala sa paghahakot ng pagkain para sa kanilang pinagtataguan.

“Huwag kayong lilihis ng landas patungo sa ating lungga, dahil sa may
gawing kaliwa ay may munting kanal,” sabi ni Tatay Langgam.

“Hindi po kami lalayo,” sabi ni Unang Munting Langgam.

Abala sa paghahakot ng mga pagkain ang bawat isa, kung kayat hindi nila napansing ang Bunsong Langgam ay unti-unting humiwalay sa pila.

“Nakakapagod naman ang paghahakot ng pagkain, matagal pa naman
ang tag-ulan ay naghahanda na kami,”sabi sa sarili ng Bunsong Langgam.

“Buti pa’y maghanap ako ng mas masarap na pagkain.”

Walang anu-ano’y nakakita ng isang kendi na malapit na malapit sa kanal na ipinagbabawal na puntahan ng kanyang ama.

“Siguro naman ay hindi ako mahuhulog sa kanal kung dahan-dahan kong kukunin ang kendi.”

Sa kasabikan niyang makuha ang kendi ay hindi niya napansin ang
munting sinulid na kinapatiran ng kanyang paa, kaya nawalan siya ng panimbang at tuloy-tuloy na nahulog sa kanal.

Hind mapakali ang Amang Langgam nang hindi niya makita ang kanyang
Bunsong anak sa pila. Kaya dali-dali siyang umalis upang ito’y hanapin,
hanggang sa siya’y mapadako sa ipinagbabawal na pook. Pagtingin niya sa ibaba ay nakita niyang nakalutang sa tubig ang kanyang bunsong anak. Masakit man sa kalooban ay naibulong niya sa kanyang sarili na: “Iyan ang napapala ng mga anak na matigas ang ulo.”

Reference:

http://kapitbisig.com/philippines/tagalog-version-of-fables-mga-pabula-ang-mag-anak-na-langgam-pabula-fable.1025


Reference:


http://www.youtube.com/watch?v=Xwtx9fjMOlk

No comments:

Post a Comment