Wednesday, July 3, 2013

Ang Alamat ni Bernardo Carpio

Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay
mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo,
Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag,
matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang
pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay
masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang
naghihirap, at sa mga may sakit.  Ang mga bata sa kanilang pook ay
inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang
umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay
kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na
magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang
malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang
sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at
kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig.
Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na
niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang
mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng
isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang
magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol,
siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang.
Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang
matapang, bantog, makisig, at maalamat  na mandirigma sa bansang
Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay
ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang
lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang
bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag
isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na
binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan
sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait,
matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa
gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay.
Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang
kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo
sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy
mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan
upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng
pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo
ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay
laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga
karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis
man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila
matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay
nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa
hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa
kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si
Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan
ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang
napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa
pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan
silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay
pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay
nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging
matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay
gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si
Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang
karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong
ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na
makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay
may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa
eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang
sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni
Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na
sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung
tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga
Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng
agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang
inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay
dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang
bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay
naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na
naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang
kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa
pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting
siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas
upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na
lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may
paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari
kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang
humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago
naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga  halinghing at pag-
aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala
ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil
lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka
nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila
ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang
kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at
nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng
engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita
si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag-
uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi
eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong
himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at
matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang
loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng
Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang
unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.



Reference:


http://www.katig.com/alamat02.html

No comments:

Post a Comment