Friday, August 5, 2011

Pag-iibigan (Urbana at Felisa)

Pag-iibigan

Si Urbana kay Felisa.—Maynila...

Felisa: Ang marunong makipagkapwa-tao, saan-saan ma'y pinakamamahal, at isang tandang pinagkakakilanlan, na may pinag-aralang bait. Sa pakikipag-usap ng isang pinagpupunuan sa kaniyang puno, ay di lubhang makikilala ang marunong makipagkapwa-tao, sapagka't sa takot o sa alang-alang, ay makapagpapanggap ng mahal na sala na sa kaniyang kaparis, ay diyan nakikilala ang marunong makipagkapwa-tao, at ang hindi; ang may mahal na asal, o asal timawa, ang may tapat na loob, at ang lilo, ang may pinag-aralang bait, at ang wala sapagka't ang wala, kapag nalingat ay nailuluwal ang laman ng puso dahil sa pagpapalagayan ng loob.

Sa pagpapalagayan ng loob ay di na kailangang sundin ang mga ceremonias at kagalingang ukol sa mga puso, nguni, bagay-bagay rin naman ang pagpapalagayan ng loob. Kung sumisinsay na sa matuwid, na pinagkakadahilanang ipahayag sampo ng kasalaulaan; ito'y isang kaasalang nauukol lamang sa taong salat sa kabanalan at sa kalinisan, kaya malaki man ang pag-iibigan ay di dapat iluwal ang buong nasa-loob. May isa namang pagpapakita ng loob na may halong pag-iimbot, na di ang hinahangad ay ang tunay na pag-iibigan, kundi ang siya'y makinabang sa tinatawag na kaibigan. Malupit na pag-ibig na laban sa mahal na asal! Ang kaibigang gaya nito ay maipaghahalimbawa sa alamid na nagdaya sa uwak, na sinasalita sa fábula: May isang uwak na nagnakaw ng keso saka napailanglang nang lipad at tumuntong sa sanga ng mataas na kahoy. Nang makita ng alamid ang keso sa bibig, ay binati nang buong galang at kinausap. Di mamakailan, anya, na aking narinig, na sa balita'y di sukat na maniwala, na ngayon ko natanto na ang sabing ito'y may katotohanan. Di anhin ang sabi, ikaw ay sakdal-itim, ngayong mapanood kita'y masasabi kong maputi ka pa sa busilak, daig mo ang cisne, talo mo ang yedra, at kung sa huni disin ay dadaigin mo ang mga ibon, para ng pagdaig mo sa kulay ng balahibo, at wiwikain ko na ikaw ang hari ng lahat ng ibon. Sa ganitong puri ay napailanglang ang isip ng uwak, pinagbuti ang tayo, ipinamayagpag ang pakpak, at sinabayan ng huni, nabuksan ang tuka; nalaglag ang keso at kinain ng alamid. Nang magkagayon, ang uwak ay nagdala ng malaking hiya, at nakilala na siya'y inaring ulol at pinagdayaan ng alamid.

May pagpapalagayan ng loob na bunga ng tapat na pag-iibigan. Sasaysayin ko Felisa, ang mga panutong dapat alinsunurin. Magbibigay-lugod sa kasama o kaibigan, pagbibigayang-dangal o puri, nguni't ang pagbibigay ay tapat sa loob, at di paimbabaw. Huwag magnasang pintuhuin at igalang ng kaibigan kung di mamahalin, na para ng pagmamahal niya sa sarili. Hindi ang isa lamang ang magpapakita ng loob, kundi kapwa magpapakitaan. Hindi maghahanapan ng kalagangang ukol sa nakikilalang puno; datapwa'y ibinabawal naman ang kalapastanganan. Kung ang isa'y nakikitaan ng kasiraan, ay dapat sabihin ng isa, nang banayad at mahusay na sabi, nang huwag mapulaan ang kaibigan; dapat namang tanggapin ng pinagsasabihan ang magandang hatol ng nagtatapat-loob sa kaniya. Kung ang kaibigan ay makitaan ng kabaitan at tapat na loob ay pagsasanggunian, at di naman dapat pagkaitan ng magandang hatol ang nunuhang sangguni. Kung ang isa'y pinag-uupasalaan, ay dapat ipagtanggol ng nakaririnig na kaibigan, ipahahayag ang kaniyang kabutihan at nang huwag masiraan ng puri. Maglilingkod at sasaklolo sa panahon ng kagipitan at kasakunaan; sa katagang sabi'y ang kaibigan ay nakikilala, sa bilangguan, sa sakit at sa kamatayan. Ang pag-iibigan, ay isang kagiliw-liw na tanikalang ginto na tumatali sa dalawang puso; nguni't mahirap hanapin, palibhasa'y mahalagang tanikala. Kaiingat si Honesto sa pag-iibigan, malasin kung sino ang pinagkakatiwalaan ng kanyang puso; tingnan kung tapat na loob, mahal na asal, may pinag-aralang bait, marunong sumaklolo sa araw ng panganib at kung makita niya itong may mahalagang hiyas saka naman ipagkakatiwala ang kaniyang loob. Nguni't kung sa bala na ay makikipag-ibigan, kung masawi sa palad na tumama ng malupit na asal, salat sa kabaitan, walang hinahangad kundi ang sarili niyang pakinabang, ay mapahamak ang kanitang bunso; masisira ang magandang asal na tinanggap sa ating magulang, at matatapos ang kabaitang sa iyo'y pinag-aralan.
Papamisahin naman ang kaniyang puso sa paggawa ng magaling sa iba, nguni, sa bagay na ito, ay iilagan ang pag-iimbot na siya'y gantihin sa ipanautang na loob, Kung may gumawa ng magaling sa kanya ay pasasalamatan, kilanlin ang utang, at gumanti sa kapanahunan, sapagka't, isang kapalamarahan, isang kasiraan ng puri ang di kumilala sa utang na loob. 

Adyos, Felisa—Urbana.




Sa Piging

Si Urbana kay Felisa.―Maynila. . . 

Felisa: kung ikaw at si Honesto, ay maanyayahan sa isang piging, ay dagdagan ang ingat at maraming lubha ang pagkakamalan. Pagdating ng bahay, ay magbibigay ng magandang gabi, o magandang araw sa may bahay, saka isusunod ang mga kaharap, huwag magpapatuloy sa kabahayan hanggang di inaanyayahan, bago lumuklok ay hintin muna na pagsabihan at huwag pipili ng mahal na luklukan, sapagka't mahangay ipag-utos ng may bahay na umalis ka sa mababa at umakyat ka sa mataas na kung nasa-mataas na ay paalisin at ituro sa mababa. Sa pag-uumpukan ay kaiingatan ang kilos, tingin at pangungusap, at baka makitaan ng kagaspangan, ay kahiya-hiya.

Sa isang piging ay maraming lubha ang masasamang gawang makikita, na laban sa kalinisan, sa kabaitan at sa kamahalan ng asal.

May makikita kang ginoo, na palibhasa'y inaaring mataas ng iba, ay ginagawa ang asal na di nagpipigatan sa may-bahay. Palingap-lingap ang mata, sa magkabi-kabilang sulok, tinitingnan ang handa, at pag may di naibigan ay pinipintasan, na halos murahin ang may-piging.

May makikita ka naman, na pagpanhik sa bahay, ang sombrero'y na sa ulo, ang baston ay di mabitiwan; di nagpupugay sa may-bahay, pagbuka ng bibig ay nakatutulig, at pagsasalita'y siya ang marunong, siya ang may bait, siya ang matapang, ang mayaman at mahal na asal; bago'y walang pangsira sa piging na paris niya. Ang lahat ng ito ay sukat ilagan. Sa madlang bagay na inihahanda ng may-piging, hindi mawawalan ng sukat-kawilihan ng mata: kung may ipakikita ang may-bahay, na parang ipinagpaparangalan, kung may kabutihan ay tapunan ng kaunting puri, at kung may kapintasan man ay magwalang bahala, huwag pupulaan, at nang di ang dalamhati ang matubo ng kaawa-awang nagpagod. Kung nag-aanyaya sa pagkain ang may-piging, ay huwag magpapauna sa lahat, nang huwag wikaing salanggapang nguni't masama rin naman ang pinaghahirapang anyayahan, sapagka't kinayayamutan.

Sa lamesa, ay sabihin mo kay Honesto, na kung makakita ng bata na nakikigiit sa matanda, idinudukot ang kamay, ay di ina-anyayahan, ay pakailagan ang gayong masamang asal sapagka't nakasisira ng puri sa magulang at mawiwika sa matanda, kung di pag-utusan at pilit-pilitin. Sa pagkain, ay iilagan ang pag-ubo, at kung hindi mangyayari ay tumindig, gayon din naman ang paglura, pagdahak, pagsinga, ang pagbahin, at kung di maiilagan ang bibig ng panyo, at nang huwag mahalatang lubha. Ilagan ng bata ang pagkamut-kamot, at iba pang gawang kahangalan sa pagkain. Huwag magpapauna sa matatanda sa pagsubo: huwag magsasalita kung di tinatanong, at kung matanong naman ay sumagot nang maikli at banayad; nguni't lilinisin muna ang bibig ng serbilya kung mayroon, at kung wala ay panyo at huwag sasagot nang lumilinab ang bibig at namumuwalan. Huwag magpapakita ng galit sa naglilingkod sa lamesa, sapagka't ang gayon ay isang kawalan ng bait; gayon din ang kumaing namumuno ang bibig, nagdudumali dalas-dalas at malalaki ang subo, di pa nalululon ang isa'y susundan na naman, o namumutiktik ang kanin at naglilinab; sapagka't mahahalata ang katakawan at kasalaulaan. Ang pagkain ay banayad, ang subo ay katamtaman, hindi malalaki at dalas-dalas, patungo ang mata at di nagmamasid sa kinakasalo, ay tandang pinagkakakilanlan ng kabaita't kahinhinan. Iilagang marumhan ang mantel, at lamesa ng sabaw, alak o tubig nang di mapahamak, kung ang hinahawakan ay baso, kutsara o kopa, ay huwag punuin, at nang di mabubo. Ang magpakita ng lambing at magpairi-iri ay nakamumuhi sa bata. Ang huminod sa daliri, hipan ang mainit na sabaw, lamasin ang ulam, nanggipalpal ang pinggang kinakanan, kagatin ang ulam, at saka isauli sa pinanggalingang pinggan; uminom sa kopa ng alak, o baso ng tubig na di nalilinis ang labi, ay pawang kasalaulaang nakapandidiri sa nakakitang tao. Ang uminom ng alak ay masamang tingnan sa bata, at lalong ang iinom ay maglagay sa kopa ng kaniyang nauubos, akalain ang maiinom, sapagka't, kung may natira, ay pandidirihan ng iba, at bago uminom ay linisin ang bibig, gayon din naman kung matapos. Hindi nauukol na magpainom sa isang kopa o baso kung maraming magagamit, sapagka't kung mainuman ng isa ay pandidirihan ng iba. Kung baga't nagtatagayan, ay huwag pipilitin ang kapwa na painumin nang di makayanan, huwag makahamak, at nang di siya ang pagkadahilanan ng pangungusap nang masama, paggawa ng di matuwid, kung mapagdimlan na ng isip. Kung hinihingi ng alak, ay huwag ipangusap nang malakas, kundi ihiwatid lamang sa namamahala. Huwag magpahuli sa lahat sa pagkain, at huwag namang magpapauna nang pagtindig, kundi paunahin ang matanda. Kung may iaabot sa iba o nag-uuwi kaya ng ulam at ano mang bagay, ay huwag lamasin at nang di pandirihan. Ang mag-anyayang mulan ang pagkain, ay nauukol sa may piging at di sa pinipiging, at nararapat naman na sayahan ang mukha ng nag-anyaya at nang di makimi ang inaanyayahan. Ang magsukbit ng matamis o maglagay sa bulsa ng ano mang makakain, ay isang katakawang nakahihiya; nguni't kung may matanda na mag-aabot sa bata, ay dapat tanggapin, at karakaraka'y pasalamatan ang nagmagandang loob.

Kung darampot ng baso ng tubig, ay tingnan muna kung malinis ang daliri, at nang di marumhan ang hahawakan: huwag isusubo ang daliri sa loob, sagpaka't kung makita ng maselang na mata, ay mandidiri. Sa pag-inom, kung mangyayari ay gamitin ang dalawang kamay, ang mga daliri ay sa dakong puno, huwag ipapatong sa labi ng baso o saro at nang di kasuklaman. Pagtindig o bago umalis sa dulang, ay magpapasalamat sa Diyos; nguni, ang dapat mamuno ay ang may-bahay, o may-piging; at kung pareng kasalo ay sa kaniya nauukol, at pagkatapos ay magpasalamat sa may-bahay. Nauukol disin na ituro ng magulang o maestro sa paaralan ang pagbebendisyon sa dulang, ang pagpapasalamat sa Diyos, sa mga bata, gayon din naman ang magandang kahatulan na isinulat ko sa iyo, Felisa. Laking kaligayahan ang aking kakamtan, kung si Honesto'y makikita ko na marunong makipagkapwa-tao at sa pagharap sa puno ng bayan, sa mga pare, sa matanda, maginoo, at sa kapwa-bata, ay itinutunton sa guhit ang asal, kilos at pangungusap. Kikilanlin kong utang kay ama, kay ina't sa iyo kung sa isang piging ay di magpakita ng katakawan at kahangalan, kundi ng kabaita't, kahinhinan sapagka't magiging kapurihan ng umaral na magulang at karangalan mo naman; oh Felisa! Sapagka't, katulong ko sa pagkakalinga. 

Adyos, hanggang sa isang sulat.—Urbana.


References
http://www.filipiniana.net/publication/urbana-at-felisa/12791881587307/18/0




No comments:

Post a Comment