ni Rolando Tinio
Ika nga’y tumaba sa lamig at hirap,
Nakaluklok sa ilalim ng pergolang karton at yerong bulok,
Pinahinog ng mga tanghaling tapat,
Ilan taon ko na siyang dinudungaw:
Kapiling ang nilagang mane, papaya’t lakatang
Di man lang makaakit sa maselang bangaw,
Gaya niyang laging nasa kapanahunan.
Iisang kimona ang bestido seremonyal,
parang sultang buong tikas na pinamamayanihan
ang lumalatag niyang katabaan.
Paminsan-minsa’y may alok siyang ginataan,
Halo-halo o munggo hindi mo mahuhulaan.
Hindi ka titiyakin kung alin ang itatahanghal
Sa palayok na pinangangalirang
Ng nakapulupot na basahan
Paminsan-minsan, hindi sa iyo matitiyak
Kung kailan papatak ang Araw ng Ginatan.
Usugin mo ma’y hindi kayang mangako.
Akala mo’y kautusang banal
Ang nag-udyok na magluto.
Paano niya iyon mapapangahasan?
Wala na riyan si Aling Pilang.
Nabundol daw ng Kano, tila naospital.
Sabi ng iba’y sinaksak ang asawa, tiyak na nabilanggo.
May nanunudyo namang sigurado raw nagtanan.
Ganoon pa man, nakatayo pa rin ang pergolang kawayan.
Naghihintay ang bangkong may tapis pang nakayangyang,
Isang tiklis, bilaong may busal, garapong pingaw
Na pinamamahayan ng ipis at langgam
Sabi nila: hindi magluluwat,
Magbabangon sa libing ang Aming maggiginatan.
Sumasampalataya ako.
Tuwing mag-aalas-tres,
Hindi ko nakakaligtaan
Ang parang panata nang panunungaw.
Kaprasito ng puso’y sumisiklot,
Medyo kumakaba’t natatakam,
Bago harapin ang tason ng kape’t
Maruya, puto-sulot, o – kung minsan- palitaw.
No comments:
Post a Comment